Nang makilala ka’y agad nabighani
Dating kulay ng mundo’y nagbalik muli;
Pusong tulog noon ngayo’y gumigising
Kaya’t ako sa iyo’y nahuhumaling.
Pananaw sa bawat bagay ay nag-iba
Lalong tumitingkad kapag ika’y kasama;
Ang aking kahapo’y puno ng pighati
Sa mga oras na ito’y ngumingiti.
Ligayang inaasam ay narito na
Animo’y langit sa tuwing makikita;
Mga mata’y napapako sa tuwina
‘Pag minamasdan ang marikit mong mukha.
Kahali-halinang dinggin ang iyong tinig
Puso’y umaawit kasabay ng iyong himig;
Higit pa sa musika ng lira’t trumpeta
Aking nadarama ang kakaibang sigla!
Ang buwan naman sa gabi’y sumisilip
Pagsilip nito’y ‘di man lamang maidlip;
‘Pagkat ikaw pa rin ang natatanaw
Hanggang yaong araw ay muling dumungaw.
Sa aking paglalakbay sa kaparangan
Ikaw pa rin ang inaasahan;
Kahit karagatan ay aking sisisirin
Sana’y masulyapan, bundok ma’y akyatin.
Sa pagkatok ng aking mga pangarap
Pagbubuksan ito at ika’y hinahanap,
Nang sa gayo’y ika’y aking makapiling
Sa isip ko’y ‘di ka masasaling.
Nais kang yakapin at laging hagkan
Nang ang buhay ko’y mabiyayaan;
Tiyak manunumbalik ang kasiyahan
Anumang bagyo ang magdaan.
Ano ba itong nangyayari sa akin?
Laging ikaw lamang ang nais isipin.
Ano ba itong aking nararamdaman?
Puso’y binubulong ang tangi mong ngalan.
Kailanma’y ‘di kayang kimkimin,
Pilit nang sasabog at ikaw na’y tatapatin…
Pag-ibig ang nadarama para sa’yo
Sana ay tanggapin mo nang buong puso.